Inaasahang bababa ang presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, batay sa pagtataya ng isang source mula sa oil industry.
Batay sa galaw ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at palitan ng piso kontra dolyar ngayong linggo, posibleng magbawas ng ₱3 hanggang ₱3.50 kada litro sa presyo ng diesel at gasolina.
Ayon sa oil industry source, nanatiling mababa ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa inaasahang paglaki ng suplay, kasabay ng pagtaas ng kargamento ng krudo mula sa Middle East sa mga terminal na nasa labas ng Strait of Hormuz.
Nakatulong din umano sa pagbaba ng presyo ang paglakas ng suplay ng produktong petrolyo sa rehiyon, kabilang ang pagtaas ng exports ng China na nagpababa sa kakulangan ng suplay ng gasolina at diesel.
Gayunman, hindi pa kasama sa pagtataya ang gastos sa sea freight at insurance na maaari pang makaapekto sa magiging presyo ng mga produktong petrolyo.
Inaasahang iaanunsiyo ng mga kompanya ng langis sa Lunes ang opisyal na price adjustment na ipatutupad sa Martes.











