--Ads--

Nagpakitang-gilas ang Gilas Pilipinas matapos tambakan ang Syria, 97-58, sa mahalagang laro sa ikalimang window ng FIBA World Cup Qualifiers sa Malaysia.

Naging susi sa panalo ng Nationals ang matinding depensa, kalamangan sa laki ng mga manlalaro at mainit na outside shooting na nagbigay sa kanila ng malaking bentahe sa buong laro.

Nanguna sa opensa sina Kai Sotto at Kevin Quiambao na kapwa nagtala ng 18 puntos.

Nag-ambag naman si Bennie Boatwright, na pumalit sa injured na si Justin Brownlee, ng 16 puntos at 13 rebounds sa kaniyang debut para sa Gilas.

--Ads--

Nagpakawala rin si Quiambao ng anim na three-point shots, habang nagtala si Dwight Ramos ng matibay na depensa laban kay Syria star D’Angelo Harrison na nalimitahan lamang sa 10 puntos.

Dahil sa panalo, umakyat ang Gilas sa joint third spot ng Group E standings taglay ang 14 puntos at 5-4 win-loss record, kapantay ng Iran at Jordan.

Nakatulong din sa pag-angat ng Pilipinas ang pagkatalo ng Iran sa Australia, 84-67, at ng Jordan sa New Zealand, 103-64.

Susunod na haharapin ng Gilas Pilipinas ang Iran sa isa pang mahalagang laban sa kanilang kampanya sa FIBA World Cup Qualifiers.