--Ads--

Pinabulaanan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang kumakalat na balitang posibleng makapagpiyansa sa lalong madaling panahon si dating House Speaker Martin Romualdez na kasalukuyang nakapiit kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y P7.4-bilyong anomalya sa flood control projects.

Sa panayam nitong Sabado, sinabi ni Remulla na batid niya ang pagkalat ng naturang impormasyon sa mga legal at hudisyal na grupo, ngunit iginiit na hindi ito dapat paniwalaan dahil mahigpit na tututulan ng kanilang tanggapan ang anumang pagtatangkang makapagpiyansa si Romualdez.

Ayon sa Ombudsman, posibleng bahagi lamang ito ng propaganda upang ihanda ang publiko sa posibilidad na makalaya sa pamamagitan ng piyansa ang dating House Speaker. Gayunman, tiniyak niyang hindi sila magpapadala sa ganitong mga hakbang at hindi mababago ang kanilang estratehiya sa paghawak ng kaso.

Samantala, kinumpirma rin ni Remulla na pinayagan na ng Sandiganbayan Third Division ang pagtanggal kay Felicito Guevarra, pangulo ng Samchan Foreign Exchange Corporation, bilang kapwa akusado ni Romualdez matapos aprubahan ang binagong charge sheet.

--Ads--

Nauna nang isinailalim si Guevarra bilang testigo ng Ombudsman matapos nitong isuko sa mga awtoridad ang sarili at isauli ang umano’y P373-milyong komisyong natanggap mula sa mga transaksiyong pinroseso nito para kay Romualdez.

Ayon kay Remulla, katumbas umano ng isang porsiyento kada transaksiyon ang komisyong natanggap ni Guevarra, na nagpapahiwatig na umabot sa tinatayang P37 bilyon ang kabuuang halagang pinangasiwaan nito.

Ibinahagi rin ng Ombudsman ang umano’y pagtatangka ng ilang indibidwal na alamin ang kinaroroonan ng naturang testigo. Kabilang dito ang insidente ng pagpapanggap bilang si Sandiganbayan Justice Karl Miranda, na humahawak sa kaso ni Romualdez, upang makakuha ng impormasyon tungkol sa lokasyon ng testigo.

Inihayag din ni Remulla ang posibilidad na ginagamit ang ilang dating opisyal ng National Bureau of Investigation upang matunton si Guevarra.

Sa kabila nito, tiniyak ng Ombudsman na hindi sila magpapadala sa mga ganitong pagtatangka at patuloy nilang poprotektahan ang mga testigong may mahalagang impormasyon kaugnay ng kasong kinahaharap ng dating House Speaker.