Inalis ng Sandiganbayan Third Division si Samchan Foreign Exchange Corp. President Felicito Guevarra bilang kapwa akusado sa kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, upang maging testigo ng prosekusyon.
Inaprubahan ng Sandiganbayan Third Division ang amended charge sheet na nag-aalis kay Guevarra sa nasabing kaso, batay sa 11-pahinang resolusyon ng anti-graft court.
Inaasahang ihaharap na ng prosekusyon si Guevarra bilang testigo sa bail hearings, kapalit ni dating Public Works Secretary Manuel Bonoan.
Nauna nang sumuko si Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) at pinagkalooban ng conditional immunity ng Office of the Ombudsman dahil mahalaga umano ang kaniyang testimonya at mga rekord upang matukoy ang katotohanan sa kaso.
Kabilang sa mga kondisyon ng kaniyang immunity ang buong pakikipagtulungan sa imbestigasyon, tapat na pagsuko ng lahat ng rekord at kagamitan ng Samchan, pananatili sa Pilipinas, at pagpapasailalim sa proteksiyon ng Department of Justice (DOJ).
Ayon sa Sandiganbayan, tama ang naging hakbang ng prosekusyon sa pag-aalis kay Guevarra bilang akusado bago pa siya makapaghain ng plea, sa halip na gamitin ang mas mahigpit na proseso para sa isang state witness.
Kinilala rin ng korte na may merito ang argumento ng prosekusyon na ang kahandaan ni Guevarra na tumestigo laban sa kaniyang mga kapwa akusado ay isang bagong pangyayari na dapat isaalang-alang.
Samantala, pinayagan din ng Sandiganbayan ang kahilingan ng prosekusyon na manatili muna si Guevarra sa kustodiya ng NBI dahil sa mga banta sa kaniyang seguridad habang pinoproseso ang kaniyang aplikasyon sa Witness Protection Program ng DOJ.
Binigyang-diin naman ng Ombudsman na makatutulong ang testimonya at mga rekord ni Guevarra upang masundan ang galaw ng pondong umano’y sangkot sa kaso.
Gayunman, mananatili ang mga kasong isinampa laban sa iba pang akusado.











