--Ads--

Walong dating Persons Deprived of Liberty (PDL) ang patuloy na bumabalik sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cauayan upang tapusin ang kanilang pagsasanay sa welding sa kabila ng kanilang paglaya mula sa piitan.

Kabilang sila sa 23 PDL na napili upang sumailalim sa Shielded Metal Arc Welding (SMAW) National Certificate I training na inilunsad sa pakikipagtulungan ng BJMP at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay JO2 Juvilyn R. Guillen, Development Officer ng Skills Enhancement Training Program, sinimulan ang pagsasanay noong Oktubre 12 matapos aprubahan ng TESDA ang kahilingan ng BJMP.

Ayon kay Guillen, pangunahing pinili sa programa ang mga PDL na malapit nang makalaya upang mabigyan sila ng kasanayang maaari nilang magamit sa paghahanapbuhay sa labas ng piitan.

--Ads--

Sa 23 kalahok, 22 ang lalaki at isa ang babae na nahikayat ding matuto ng welding matapos ma-inspire sa isang babaeng trainer mula sa TESDA.

Sa ngayon, natapos na ng mga kalahok ang paghahanda para sa kanilang aktuwal na assessment na susukat sa kanilang natutunan sa pagsasanay.

Binigyang-diin naman ni Guillen na isa sa pinakamalaking hamon na kinakaharap ng mga dating PDL ang paghahanap ng trabahong tatanggap sa kanila dahil sa kanilang nakaraan.

Samantala, National Certificate I pa lamang ang kasalukuyang antas ng pagsasanay na kinukuha ng mga kalahok. Gayunman, maaari pang hilingin ng BJMP sa TESDA ang pagpapatuloy ng programa sa NC II sakaling maipasa nila ang assessment.

Isinasagawa ang training mula Lunes hanggang Sabado, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Bukod dito, nakatanggap na ang bawat kalahok ng unang ₱2,720 na allowance at inaasahan pang makatatanggap ng kaparehong halaga, na aabot sa kabuuang ₱5,440 bawat isa.

Nagpasalamat naman ang BJMP sa TESDA Isabela sa pagbibigay ng pagkakataong magkaroon ng dagdag na kasanayan ang mga PDL na maaari nilang magamit upang makapagsimula muli at magkaroon ng marangal na hanapbuhay matapos makalaya.