--Ads--

Makakaranas ng maulap na kalangitan na may pag-ulan ang Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao at Aurora dahil sa umiiral na Northeast Monsoon o Amihan.

Ayon sa weather forecast, posibleng magkaroon ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na ito dahil sa katamtaman hanggang sa paminsan-minsang malalakas na pag-ulan.

Samantala, makararanas naman ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Eastern Visayas, Quezon, Dinagat Islands at mga lalawigan ng Surigao dahil sa easterlies.

Bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated light rains naman ang inaasahan sa Ilocos Region, ilang bahagi ng Cordillera Administrative Region at Central Luzon.

--Ads--

Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, posible ang isolated rainshowers o thunderstorms dahil din sa easterlies.

Sa usapin ng karagatan, inaasahan ang malalakas hanggang gale-force winds sa Northern Luzon at silangang bahagi ng Central Luzon, na magdudulot ng maalon hanggang sa napakaalon na karagatan na may taas ng alon na 2.8 hanggang 4.5 metro.

Katamtaman hanggang malakas na hangin naman ang iiral sa nalalabing bahagi ng Luzon at silangang bahagi ng Visayas, habang mahina hanggang katamtaman ang hangin sa nalalabing bahagi ng bansa.Pinapayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na mag-ingat, lalo na sa mga lugar na inaasahang makararanas ng maalon hanggang napakaalon na karagatan.