--Ads--

Isang Isabeleño ang bumuo ng AI-powered smart home technology na naglalayong mapahusay ang seguridad at mapadali ang pang-araw-araw na pamumuhay sa loob ng tahanan sa pamamagitan ng mga automated system .

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Mike Barroga, owner ng Exoid Robotics mula sa San Mateo, Isabela, ipinaliwanag nitong kabilang sa kanilang mga binuong teknolohiya ang AI-powered swimming pool monitoring system na kayang makadetect ng posibleng pagkalunod.

Kapag nakapagtala ng insidente ang system, awtomatiko itong nagpapadala ng alerto sa may-ari ng bahay at sa mga kinauukulang emergency responders upang agad na maaksyunan ang sitwasyon.

Mayroon din silang license plate recognition technology na nagbibigay-daan upang awtomatikong mabuksan ang residential gates sa pamamagitan ng pagkilala sa plate number ng sasakyan, nang hindi na kinakailangan ang traditional remote control o RFID.

--Ads--

Kabilang din sa kanilang mga binuong sistema ang breathing sensors na kayang makadetect maging ng maliliit na paggalaw ng katawan ng tao upang hindi basta-bastang mamatay ang ilaw habang may tao pa sa loob ng isang silid.

Mayroon ding smart curtains na awtomatikong nagsasara kapag nadedetect ang direktang sikat ng araw at pagtaas ng temperatura sa loob ng bahay upang makatulong sa pagtitipid ng kuryente at mabawasan ang paggamit ng air conditioning.

Ayon kay Barroga, ordinaryong high-definition CCTV cameras ang ginagamit nila sa halip na mamahaling AI cameras dahil isinasagawa mismo sa server na kanilang ini-install sa bahay ang artificial intelligence processing.

Sa ganitong paraan, mas napapababa umano ang gastos ng kanilang mga kliyente habang napapanatili ang advanced features ng sistema.

Samantala, ibinahagi ni Barroga na nagsimula ang kaniyang interes sa pagbuo ng smart home technology mula sa personal na karanasan sa pag-aalaga sa kaniyang lola na na-diagnose ng stage four cancer.

Naisip umano niyang bumuo ng teknolohiyang makatutulong sa pag-aalaga sa mga nakatatanda, partikular sa pamamahala ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at pagbibigay ng mas komportableng kapaligiran sa loob ng tahanan.

Nagtapos siya ng Mechanical Engineering sa Adamson University sa Maynila at Robotics sa isang Unibersidad sa Taiwan, kung saan niya rin kinuha ang master’s degree sa Robotics Engineering na may specialization sa Precision Mechatronics Engineering.

Ang kaniyang master’s thesis na nakatuon sa smart home technology ang naging pundasyon ng kasalukuyang produkto ng kumpanya.

Ayon pa kay Barroga, inalok siyang pagkalooban ng 100,000 US dollars upang simulan ang teknolohiyang ito sa Taiwan matapos ang kaniyang presentasyon noong 2023.

Gayunman, pinili niyang umuwi sa Pilipinas noong unang bahagi ng 2024 upang dito simulan ang kaniyang technology startup, sa paniniwalang kailangan ding maiangat ang antas ng teknolohiya sa bansa.

Sa kasalukuyan, nasa proseso na ng commercialization ang kanilang mga produkto sa tulong ng Department of Science and Technology o DOST.