Isinara pansamantala ng bansang Kuwait ang kanilang airspace matapos ang pag-atake ng Iran sa isang base militar ng Estados Unidos sa bansang Qatar. Ang insidente ay nagdulot ng matinding tensyon sa Middle East.
Kaugnay nito, inihayag ng Pakistan International Airlines (PIA) ang kanselasyon ng kanilang mga flight patungong Qatar, Bahrain, Kuwait, at Dubai. Ayon sa PIA, ang desisyong ito ay bunga ng lumalalang tensyong militar sa rehiyon ng mga bansa sa Gulpo.
Samantala, iniulat ng Iran’s Student News Network na na-activate na ang air defense systems sa kabisera ng Iran upang tugunan ang mga “hostile targets” o mga banta sa himpapawid.
Mariing kinondena naman ng Saudi Arabia ang ginawang pag-atake ng Iran sa Qatar, at tinawag itong isang malinaw na paglabag sa pandaigdigang batas at sa prinsipyo ng mabuting pakikipagkapwa-bansa. Ayon pa sa Saudi Kingdom, ang naturang hakbang ng Iran ay hindi katanggap-tanggap at walang sapat na katwiran sa anumang konteksto.
Patuloy na binabantayan ng iba’t ibang bansa ang sitwasyon habang tumitindi ang tensyon sa rehiyon.