--Ads--

Patuloy ang kampanya ni Alex Eala sa 2026 Canadian Open matapos umabante sa susunod na yugto ng torneo at muling makakaharap ng isang Amerikanang manlalaro.

Makakatunggali ni Eala si Caty McNally sa Round of 32 ng torneo sa Toronto, Canada sa Sabado, kung saan nakatakda ang kanilang laban nang hindi mas maaga sa alas-8 ng umaga, oras sa Pilipinas.

Hangad ni Eala na maipagpatuloy ang kanyang magandang ratsada sa WTA 1000 event matapos talunin si Alycia Parks sa iskor na 6-1, 4-6, 6-2 upang makausad sa susunod na round.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na maghaharap sina Eala at McNally. Bago ito, ginulat ni McNally si Linda Noskova matapos itong talunin sa straight sets, 7-6(5), 6-1.

--Ads--

Kasalukuyang World No. 70 si McNally at umabot sa career-high ranking na No. 50 noong Hunyo. Tulad ni Eala, mayroon na rin itong dalawang WTA 125 titles at naging runner-up sa US Open doubles noong 2020 at 2021.

Samantala, target ni Eala na masungkit ang kanyang unang WTA 1000 title matapos maiuwi kamakailan ang kauna-unahan niyang WTA Tour championship sa Mubadala DC Open.

Sa doubles event naman, nagtapos na ang kampanya nina Eala at Venus Williams matapos silang yumuko sa unang round laban kina Liudmila Samsonova at Miyu Kato.