--Ads--

Nakamit ni Alexandra “Alex” Eala, ang pambato ng Pilipinas sa tennis, ang panibagong tagumpay matapos umangat ng dalawang puwesto sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings. Mula sa No. 44 noong Abril 20, inaasahang nasa No. 42 na siya sa opisyal na talaan matapos ang pagtatapos ng WTA 1000 Madrid Open.

Sa Madrid Open, nagtapos si Eala sa Round of 64, katulad ng kanyang performance noong nakaraang taon, kaya napanatili niya ang 35 ranking points para sa kabuuang 1,285 points. Natalo siya sa ikalawang round laban kay Elise Mertens ng Belgium, 2-6, 1-6, ngunit bago iyon ay tinalo niya ang beteranong si Anastasia Pavlyuchenkova ng Russia, 6-3, 6-3.

Lumaban din si Eala sa doubles kasama ang Turkish partner na si Zeynep Sönmez. Natalo nila ang Taiwanese-Hungarian duo na sina Chan Hao-ching at Fanny Stollar sa unang round, 6-2, 6-2, ngunit nabigo sa ikalawang round laban sa elite pair na sina Katerina Siniakova ng Czech Republic at Taylor Townsend ng US, 1-6, 5-7.

Sa doubles rankings, nakakuha si Eala ng 120 points para sa kabuuang 888 points, dahilan upang umangat sa No. 88 mula No. 101 — ang pinakamataas na ranggo niya sa doubles sa buong career.

--Ads--

Susunod na sasabak si Eala sa Italian Open, isa ring WTA 1000 event, na gaganapin mula Mayo 5 hanggang 17.