--Ads--

Pansamantalang isasara ngayong Linggo, alas-12 ng tanghali, ang Alicaocao Overflow Bridge upang bigyang-daan ang pagkakabit ng extension arm ng automated water level sensor na makatutulong sa agarang pagmamanman sa lebel ng tubig at kaligtasan ng mga motorista ngayong panahon ng tag-ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. at POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi nitong aabot lamang sa 30 minuto hanggang isang oras ang installation ng naturang kagamitan at sisikapin ng kanilang tanggapan na mapabilis ang proseso upang hindi na kailangang dumaan pa sa mas mahabang ruta ang mga motorista at komyuter sa pamamagitan ng Naguilian Bridge.

Ayon kay Malillin, mahalaga ang pagkakabit ng automated water level sensor upang agad na matukoy kung maaari pang daanan ang overflow bridge o hindi, lalo na ngayong tag-ulan kung kailan mataas ang panganib ng pagtaas ng lebel ng tubig sa Cagayan River.

May nakahanda namang mga kinatawan mula sa POSD, mga barangay tanod, at mga tauhan ng Philippine National Police o PNP upang magbantay at magbigay ng gabay sa mga motorista habang umiiral ang pansamantalang pagsasara ng tulay.

--Ads--

Humingi rin ng paumanhin at kaunting pasensya si Mallillin sa mga residente ng East Tabacal at mga lugar sa forest region na maaapektuhan ng temporary closure ng Alicaocao Overflow Bridge.

Kasabay ng nalalapit na full-blast na pagpapatupad ng balik-eskwela sa Cauayan City ang pagsasagawa ng proyekto sa naturang tulay.

Samantala, sinabi ni Malillin na naging matagumpay ang unang linggo ng pagbubukas ng klase sa lungsod dahil naging mas maayos ang daloy ng trapiko bunsod ng ipinatutupad na one-way traffic scheme.