--Ads--

Inilabas na ng Public Order and Safety Division o POSD ang mga alternatibong ruta sa Lungsod ng Cauayan para sa nalalapit na Patronal Fiesta na magsisimula ngayong araw, Oktubre 1 hanggang sa Oktubre 18, 2026.

Pansamantalang isasara ang bahagi ng Baligod Street hanggang sa tapat ng City Hall, pati na rin ang Mariano Bucag Street Avenue corner F.L.DY Coliseum dahil dito mamamalagi ang mga tenants para sa nakatakdang Banchetto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, inilatag nito ang mga alternatibong ruta na pwedeng daanan ng mga biyahero sa loob ng labing-walong (18) araw.

Para sa mga manggagaling ng highway na papuntang West Tabacal, maaaring dumaan sa Canciller Avenue corner Dalupang Street patungong Mabini Street, District 3; Canciller Avenue corner FLDY Street patungong Mabini Street, District 3; at Pammitan Street patungong Mabini Street, District 3 o kaya ay sa Pilar Street.

--Ads--

Samantala, para naman sa mga biyaherong patungong sa Lungsod ng Ilagan, ang maaari namang alternatibong ruta ay ang Canciller Avenue papuntang Dalupang Street.

Upang matiyak ang kaayusan, mag-dedeploy ang POSD ng pitong (7) personel bawat shift na may kabuoang tatlong (3) shifts araw-araw upang magbantay sa seguridad ng mga mamamayan sa lugar ng kapistahan.

Muling ipinaalala ni POSD Chief Mallillin na mahigpit na ipatutupad ang curfew sa mga menor de edad na hanggang alas-10:00 lamang ng gabi. Bawal din ang pagpapasok ng anumang uri ng bladed weapons o delikadong bagay.

Samantala, magkatuwang na magbabantay at manghuhuli sa mga lalabag ang mga kawani ng PNP Cauayan at ng POSD.