Naghain ng petisyon sa Korte Suprema sina dating House Speaker Pantaleon Alvarez at ilang kasamahan na humihiling na obligahin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sumailalim sa physical at mental examination, kabilang ang hair follicle test, upang umano’y matukoy ang kanyang tunay na kalagayan ng kaniyang kalusugan.
Sa inihain na petition for mandamus noong Abril 15, 2026, layunin ng mga petitioner na ipakita sa publiko ang aktuwal na kondisyon ng Pangulo, sa gitna ng mga alegasyon na maaaring makaapekto sa kanyang kakayahang gampanan ang tungkulin bilang punong ehekutibo.
Kabilang sa mga respondent sa kaso si Executive Secretary Ralph Recto, na inatasan ng Korte Suprema na magsumite ng komento sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng abiso, gayundin ang Pangulo mismo.
Sa petisyon, iginiit ng mga nagsampa na ang umano’y kawalan ng “effective response” ng Pangulo sa mga epekto ng socio-economic crisis sa Gitnang Silangan ay maaaring indikasyon ng umano’y lumalalang pisikal at mental na kondisyon.
Ayon sa dokumento, mahalaga umano na matiyak ng publiko na ang mga desisyon at polisiya ng ehekutibo ay nagmumula sa isang pangulong “mentally sound” at “physically capable,” at may malayang paghatol.
Patuloy na hinihintay ang magiging tugon ng mga respondent at ang aksyon ng Korte Suprema sa nasabing petisyon.











