Pasok na sa semifinals ng Women’s Tennis Association o WTA Finals ang 19-anyos na si Mirra Andreeva matapos dominahin si world number two Aryna Sabalenka sa kanilang round-robin match sa Indian Wells, California.
Pinataob ni Andreeva ng Russia si Sabalenka ng Belarus sa straight sets, 6-4, 6-0, upang makamit ang puwesto sa huling apat ng prestihiyosong season-ending tournament.
Ito ang singles debut ni Andreeva sa WTA Finals matapos ang matagumpay na taon kung saan kabilang sa tatlong titulo nito ang kauna-unahan niyang Grand Slam championship sa French Open.
Samantala, nagawang makabawi ni Elina Svitolina ng Ukraine mula sa pagkatalo sa unang set upang talunin si Karolina Muchova ng Czech Republic, 3-6, 6-2, 6-2.
Dahil sa ikalawang sunod na pagkatalo ni Muchova at panalo ni Andreeva, tuluyan nang naglaho ang tsansa ng Czech player na makapasok sa semifinals.
Habang nananatili namang buhay ang kampanya ni Sabalenka na umusad sa susunod na round, kung saan kailangan nitong talunin si Svitolina sa huling round-robin match sa Biyernes.











