--Ads--

Magkakaroon ng malawakang kilos-protesta sa Dupax Del Norte na pangungunahan ng mga anti-mining group sa Pebrero 12, 2026 upang ihayag ang kanilang pagtutol sa mining exploration ng British Mining Company sa kanilang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay anti-mining group leader Florentino Daynos, sinabi niya na ang naturang rally ay isasabay sa araw kung kailan isasagawa ang hearing ng mga pitong naaresto sa pagpapatupad ng Writ of Preliminary Injunction ng mga awtoridad kaugnay sa inilabas na show cause order ng korte upang sila’y hindi ma-cite in contempt.

Aniya, bagaman hindi mailabas ng mga tauhan ng mining company ang mga nakukuhang sample mineral sa site dahil sa mga barikadang inilagay ng kanilang grupo ay tuloy pa rin kasi ang operasyon ng mga ito sa lugar.

Gayunman, ipinagpapasalamat ni Daynos na dumarami ang nagtutungo sa lugar upang magpahayag ng suporta pangunahin na ang National Union of Peoples Lawyer (NUPL) na nangakong tutulong para sa mga legal cases.

--Ads--

Matapos mapag-usapan sa Senado ang isyu ng pagmimina sa Dupax Del Norte ay naniniwala ang kanilang grupo na may magandang patutunguhan ang kanilang ipinaglalaban.

Naniniwala siya na sa pamamagitan nito ay malalantad ang mga indibidwal na nasa pwesto na umano’y protektor ng naturang British Mining Company.