Umakyat na sa mahigit P10 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Cagayan bunsod ng matinding tagtuyot, dahilan upang manawagan ang isang environmental group sa pambansang pamahalaan na magdeklara ng national climate emergency.
Ayon kay Laica Rayel ng Philippine Movement for Climate Justice, labis na naaapektuhan ang mga magsasaka dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig at patuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon, na nagdudulot ng malaking pagbagsak ng ani.
Batay sa datos ng PAGASA, aabot na sa 15 lalawigan sa Luzon ang matinding tinamaan ng tagtuyot.
Dahil sa lumalalang sitwasyon, isinailalim na sa state of calamity ang mga lalawigan ng Isabela at Cagayan upang mapabilis ang pagtugon sa krisis.
Sa tala ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa P10.29 bilyon ang kabuuang pinsala sa agrikultura, na nakaapekto sa kabuhayan ng libu-libong magsasaka at mangingisda.
Sa ilalim ng state of calamity, pinapayagan ang mga lokal na pamahalaan na gamitin ang kanilang calamity fund para sa agarang ayuda at rehabilitasyon ng mga apektadong sektor.
Matatandaang noong Marso 23 ay idineklara ng PAGASA ang pagtatapos ng Amihan, hudyat ng pagsisimula ng dry season sa bansa.
Samantala, patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na mag-ingat laban sa heat stress at uminom ng sapat na tubig upang maiwasan ang dehydration.











