--Ads--

Apat na jeepney driver ang naaresto matapos maaktuhang aktuwal na naglalaro ng iligal na sugal na “Pusoy Dos” sa isinagawang anti-illegal gambling operation sa Barangay Malvar, Santiago City.

Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na “June,” 52-anyos; “Toto,” 44-anyos; “Ben,” 37-anyos; at “Nedo,” 61-anyos, pawang residente ng Alfonso Lista, Ifugao.

Ayon sa ulat, ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng City Mobile Force Company o CMFC ng Santiago City Police Office, at Police Station 1 ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant hinggil sa umano’y nagaganap na iligal na pagsusugal sa lugar.

Matapos beripikahin ang impormasyon, agad nagsagawa ng operasyon ang mga pulis na nagresulta sa pagkakahuli sa mga suspek habang aktuwal na naglalaro ng Pusoy Dos.

--Ads--

Nakuha mula sa mga suspek ang kabuuang P3,100 na pinaniniwalaang ginamit bilang pustahan, gayundin ang isang set ng baraha na hinihinalang ginamit sa iligal na aktibidad.

Mahaharap ang apat sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602, na inamyendahan ng Republic Act No. 9287, o ang batas na nagpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa iligal na pagsusugal.

Ayon sa mga awtoridad, magpapatuloy ang pinaigting na kampanya laban sa lahat ng uri ng iligal na pagsusugal. Hinikayat din nila ang publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga ilegal na aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa komunidad.