Narekober ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang arms cache o taguan ng mga kagamitang pandigma na pinaniniwalaang pag-aari ng Communist Terrorist Group (CTG) sa bulubunduking bahagi ng Barangay Villaflor, Cauayan City, Isabela ngayng araw, Hulyo 14.
Pinangunahan ang operasyon ng 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company sa pamumuno ni PMAJ George Maribbay, Acting Force Commander, katuwang ang iba pang yunit ng PNP at AFP kabilang ang PIU-IPPO, 95th Infantry Battalion ng Philippine Army, 205th Company ng Regional Mobile Force Battalion 2, PIU, City Explosive and Canine Unit ng Cauayan, San Guillermo Municipal Police Station, at Cauayan City Police Station.
Sa isinagawang Minor Combat Operation, narekober ang iba’t ibang kagamitang pandigma kabilang ang dalawang hindi na magamit na caliber .50 machine gun, dalawang M16 steel magazine, combat shoes, mga bala, dalawang MK2 fragmentation grenade, dalawang 40mm high explosive ammunition, detonating cord, time fuse, mga baterya at iba’t ibang electrical wires na maaaring gamitin sa paggawa ng improvised explosive device o IED.
Ayon sa ulat, natunton ang naturang taguan matapos magbigay ng impormasyon ang isang sumukong dating rebelde na kinilalang si alyas “Andong.”
Dinala naman sa 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company ang mga narekober na non-explosive items para sa dokumentasyon at safekeeping, habang isinuko sa City Explosive and Canine Unit ang mga pampasabog upang maisagawa ang wastong paghawak at disposal.
Samantala, patuloy na hinihikayat ng Isabela Police Provincial Office ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon kaugnay ng anumang banta sa seguridad upang higit pang mapatatag ang kapayapaan at kaunlaran sa lalawigan.









