--Ads--

Nagkasundo ang mga lider ng Southeast Asia sa mga hakbang na naglalayong bawasan ang epekto ng digmaan sa Iran sa kanilang mga ekonomiya, bagaman inamin ng mga ito na mangangailangan pa ng mahabang panahon bago maramdaman ang epekto ng mga inisyatibong ito.

Sa pagtitipon ng mga lider para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Pilipinas nitong Biyernes, naging sentro ng agenda ang pagsasara ng Strait of Hormuz na nagdulot ng malawakang krisis sa enerhiya sa buong mundo.

Dahil dito, inaprubahan ng mga miyembrong bansa ang isang regional fuel-sharing framework. Layunin nito na maibsan ang bigat sa ekonomiya na dulot ng mahigit dalawang buwang pagsasara ng naturang estratehikong daluyan ng langis.

Sa kabila ng kasunduan, nananatiling malabo kung paano tatakbo ang programa. Kailangan pang ayusin ang mahahalagang detalye, kabilang ang kung aling mga bansa ang bibigyang-priyoridad sa panahon ng krisis.

--Ads--

Ikinatuwa naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kasalukuyang ASEAN Chair, ang kinalabasan ng pag-uusap, ngunit inamin niyang kailangan pa ng malinaw na mekanismo para sa implementasyon nito.

Sa kasalukuyan, patuloy ang nararanasang krisis sa langis sa Southeast Asia kung saan marami nang tanggapan ang nagsara at nililimitahan na rin ang mga pagbiyahe habang lalong lumalalim ang epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan.