Tumaas pa ang bilang ng mga lugar na apektado ng African Swine Fever (ASF) sa Isabela, kung saan umabot na sa 16 na munisipalidad at 64 na barangay ang may naitalang kaso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Helen Sevilla, Isabela Provincial Veterinarian, sinabi nitong mahigit 1,000 baboy na ang kinailangang i-cull, kung saan pinakamarami ang mula sa mga backyard hog raisers.
Kabilang sa mga apektadong bayan ang Gamu, Alicia, San Mateo, Ramon, Angadanan, Cordon, Mallig, Quirino, Luna, Quezon, Aurora, Burgos, Roxas, San Isidro, Echague at San Guillermo.
Ayon kay Dr. Sevilla, isa sa mga dahilan kung bakit nadagdagan ang naitalang kaso ay dahil mas marami nang munisipalidad ang agad na nagre-report ng mga pinaghihinalaang kaso ng ASF.
Aniya, mas mabuting agad na naiuulat ang mga kaso upang mabilis itong maaksiyunan at hindi na lumawak pa ang pagkalat ng virus.
Sa usapin naman ng posibleng dahilan ng pagkalat nito, sinabi ni Dr. Sevilla na hindi pa matukoy ang pangunahing pinagmulan ng kasalukuyang mga kaso. Gayunman, isa sa kanilang tinitingnang posibilidad ang tuloy-tuloy na pag-ulan.
Paliwanag niya, posibleng may kaugnayan ito sa mga naging kaso ng ASF noong 2021, kung saan maaaring nanatiling aktibo ang virus sa ilang lugar at muling naging aktibo bunsod ng sunod-sunod na pag-ulan.
Binigyang-diin din ni Dr. Sevilla na ang mahigpit na pagpapatupad ng biosecurity measures ang nananatiling pangunahing panlaban sa ASF dahil wala pang gamot para sa naturang sakit.
Pagdating naman sa suplay ng baboy, tiniyak ni Dr. Sevilla na nananatili pa itong sapat dahil mayroon pang malalaking producers at contract growers na patuloy na nagpo-produce ng baboy sa Isabela.











