Iimbestigahan ngayong umaga ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School sa Zamboanga City, na may pokus sa pagsusuri sa mga ugali at pag-uugaling maaaring nagtutulak sa ilang kabataan na gumawa ng mararahas na krimen.
Bahagi ito ng Senate Resolution 610 na inihain ni Senadora Risa Hontiveros, kung saan isasama sa pagdinig ang pinakahuling school shooting incident upang matukoy ang mga ugat at posibleng dahilan ng naturang karahasan.
Ayon sa resolusyon, iniulat na ang estudyanteng sangkot sa pamamaril ay kilalang matalino at mahilig sa online game na Roblox, at umano’y ginamit ang baril ng kanyang ama na isang empleyado ng Bureau of Customs.
Tatalakayin din ng komite ang mga ulat na na-livestream ang insidente at kung paano mabilis na kumalat online ang mga video at iba pang kaugnay na materyal.
Binigyang-diin ni Hontiveros ang kahalagahan ng masusing pag-aaral sa mga lumalabas na kaso ng matitinding karahasang kinasasangkutan ng mga kabataan, kabilang ang posibilidad na may impluwensya rito ang tinatawag na nihilist violent extremism.







