Nanindigan si Atty. Michael Poa na wala siyang naging papel sa paghawak at paggamit ng confidential funds ng Department of Education (DepEd) noong si Vice President Sara Duterte ang kalihim ng ahensya.
Sa ika-21 araw ng impeachment trial nitong Miyerkules, Setyembre 2, sinabi ni Poa na nasa special disbursing officer at security officer ang responsibilidad sa mga dokumento at transaksyong may kaugnayan sa confidential funds.
Ipinaliwanag ni Poa na compartmentalized ang pamamalakad ni Duterte sa DepEd kaya nakatuon lamang siya sa mga tungkuling ipinagkatiwala sa kaniya noong nagsilbi siyang chief of staff, undersecretary at spokesperson.
Ayon kay Poa, nagsimula na ang paggamit ng confidential funds bago pa siya naging chief of staff noong Abril, kaya hindi na umano siya na-involve sa paghawak nito.
Sinabi rin ni Poa na noong nagsisilbi pa siyang spokesperson, tinanong na niya si Duterte kung ano ang kaniyang sasabihin sa media hinggil sa confidential funds.
Ayon sa dating DepEd official, ipinaliwanag sa kaniya na hindi maaaring ibahagi sa publiko ang mga detalye tungkol sa paggamit ng confidential funds dahil maaari umanong malagay sa panganib ang intelligence community.
Dahil dito, sinabi ni Poa na hindi na niya ipinilit pang alamin ang mga detalye tungkol sa naturang pondo.
Iginiit din niyang hindi niya alam na may security officer ang DepEd na si Col. Dennis Nolasco, kung saan umano ibinigay ni dating Special Disbursing Officer Edward Fajarda ang confidential funds noong 2023.
Ayon kay Poa, nalaman lamang niya ang tungkulin ni Nolasco nang lumitaw ito sa pagdinig ng Kamara noong Oktubre 2024.
Sinabi rin niyang hindi niya personal na kilala si Nolasco at hindi niya ito nakitang nagtatrabaho sa DepEd noong panahon ng kaniyang panunungkulan doon.
Samantala, sinabi ni Poa na kilala niya si Col. Raymund Dante Lachica dahil nag-courtesy call ito sa kaniya bilang commander ng Vice Presidential Security and Protection Group.











