--Ads--

Mataas ang kumpiyansa ng grupo nina Atty. Harold Respicio na mapapanagot sa batas si Senate President Vicente “Tito” Sotto III matapos ang kanilang paghahain ng Petition for Indirect Contempt sa Korte Suprema laban sa Senador.

Ito ay may kaugnayan sa mga naging pahayag ni Sotto kamakailan na tumututol sa naging desisyon ng Supreme Court na nagdedeklarang unconstitutional ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte dahilan upang suportahan nito ang Charter Change.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Harold Respicio, Vice Mayor ng Reina Mercedes, Isabela at isa sa mga complainant ng kaso, sinabi niya na naniniwala silang mangyayari rin kay Sotto ang nangyari sa kanilang Lolo na si Vicente Sotto noong 1949 na na-cite for Indirect Contempt matapos tuligsain ang kataas-taasang hukuman.

Aniya, kung pinaghahandaan man ng Senate President ang pagtalakay sa mga panibagong impeachment laban kay VP Sara kung ito man ay umakyat ng Senado, dapat aniyang paghandaan niya ito ng tama at naaayon sa konstitusyon.

--Ads--

Ayon kay Respicio, ang pagiging complainant nito sa kaso ay hindi paghahanda sa pagktakbo sa mas mataas na posisyon kundi pagtuwid sa mga kamalian at katiwalian sa bansa.

Binigyang-diin nito bagama’t aktibo siya sa mga pambansang isyu ay natututukan pa rin umano nito ang Reina Mercedes na aniya’y isa sa mga pinaka-aktibong bayan sa Pilipinas sa pamamagitan ng kanilang mga sessions, at pagtutok sa mga hinaing at pangangailangan ng kaniyang nasasakupan.