--Ads--

Idineklarang null and void o walang bisa ng Korte Suprema ang naging desisyon noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin sa puwesto si dating Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang.

Sa inilabas na desisyon ng Supreme Court Third Division, iginiit ng Korte na walang kapangyarihang administratibo o disciplinary authority ang Pangulo ng bansa upang magtanggal ng isang deputy ombudsman.

Pinagtibay rin ng hukuman ang naunang 2014 ruling sa Gonzales case, kung saan malinaw na idineklara na labag sa Konstitusyon ang pagbibigay sa punong ehekutibo ng kapangyarihang magtanggal ng opisyal ng Ombudsman dahil maaari itong makasira sa independensiya ng naturang tanggapan.

Ayon pa sa Korte Suprema, mali ang ginamit na batayan ng Office of the President sa pagsibak kay Carandang, dahil ang kasong Agustin-Se na kanilang pinanghawakan ay hindi tumatalakay sa administrative disciplinary jurisdiction.

--Ads--

Sa pamamagitan ni Associate Justice Filomena Singh, sinabi ng Korte na nais ng Office of the President na baligtarin ang naunang desisyon sa Gonzales case, ngunit wala umanong “compelling reason” upang gawin ito, lalo na’t nakataya ang kalayaan ng Ombudsman mula sa anumang impluwensiyang pulitikal.

Matatandaan na si Carandang ang humawak sa imbestigasyon noong 2017 kaugnay sa umano’y ill-gotten wealth ni dating Pangulong Duterte, matapos mag-inhibit si Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa kaso.

Kalaunan, hiniling ni Carandang sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na siyasatin ang mga bank account na tinukoy ni dating Senador Antonio Trillanes IV, na sinasabing may kaugnayan sa umano’y ill-gotten wealth ng dating Pangulo.

Dahil dito, kinasuhan siya ng Office of the President ng betrayal of public trust at graft, na naging batayan ng kanyang pagkakasibak noong Hulyo 2018.