Arestado ang isang 32-anyos na babae sa Japan matapos umanong maglagay ng mahigit 2,000 pekeng online order ng manga at iba pang merchandise na nagdulot ng milyong pisong pagkalugi sa isang kilalang publishing company.
Kinilala ang suspek na si Mayu Yoshida, isang restaurant worker mula Osaka.
Ayon sa mga imbestigador, gumamit umano siya ng 238 pekeng account upang paulit-ulit na umorder ng manga at iba pang produkto ng Shueisha Inc. sa loob ng halos isang taon.
Batay sa imbestigasyon, umabot sa 4.3 bilyong yen o tinatayang P1.6 bilyon ang kabuuang halaga ng mga inorder niya mula 2024 hanggang 2025, ngunit wala umano siyang binayaran kahit isa.
Gumamit umano si Yoshida ng convenience store payment system at cash-on-delivery option, ngunit hindi niya tinutuloy ang pagbabayad o pagtanggap sa mga ipinadalang produkto.
Tinatayang nasa 7.5 milyong yen o mahigit P2.8 milyon ang direktang pagkalugi ng kompanya sa shipping at logistics expenses.
Sa imbestigasyon, umamin si Yoshida na siya ang nasa likod ng libu-libong order. Ayon sa kanya, ginagawa niya ito bilang paraan upang maibsan ang stress at nakakaramdam umano siya ng kasiyahan sa pag-order ng mga produktong mabilis maubos sa merkado.











