--Ads--

Patuloy na nararanasan ng lalawigan ng Batanes ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan dulot ng Bagyong Kiyapo habang nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Roldan Esdicul, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Batanes, sinabi nitong mula pa madaling-araw ay tuloy-tuloy ang pag-ulan sa lalawigan at inaasahang lalakas pa ito hanggang mamayang gabi.

Ayon kay Esdicul, bagama’t nasa Signal No. 2 na ang Batanes ay nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng mga tanggapan ng pamahalaan at may pasok pa rin sa mga opisina, subalit posibleng gawing half-day ang trabaho depende sa lagay ng panahon.

Samantala, kanselado na ang klase mula kindergarten hanggang Grade 10, habang nagpapatuloy pa ang pasok ng mga estudyante sa senior high school at kolehiyo.

--Ads--

Sinabi rin ng opisyal na ipinatupad na kahapon pa ang No Sail Policy, dahilan upang ihinto ang lahat ng biyahe sa dagat. Naabisuhan na rin ang mga turista na ipagpaliban muna ang kanilang mga nakatakdang tour ngayong araw, habang kanselado rin ang lahat ng biyahe ng eroplano hanggang bukas, araw ng Sabado.

Sa kabila nito, wala pa namang naitatalang anumang untoward incident sa lalawigan.

Ayon pa kay Esdicul, patuloy ang mahigpit na monitoring ng Provincial DRRM Office katuwang ang mga Municipal DRRM Offices, lalo na sa mga coastal communities. Aniya, wala pa namang naitatalang isolated areas at nananatiling passable ang mga pangunahing kalsada, habang nakahanda na rin ang mga evacuation centers sakaling kailanganing ilikas ang mga residente.

Dagdag pa niya, maging ang dalawang island municipalities ng Batanes ay patuloy na namo-monitor sa pamamagitan ng internet at mobile communication, at sa kasalukuyan ay wala pang nararanasang power interruption sa lalawigan habang mahina pa lamang ang nararanasang hangin.

Aniya, nakahanda na rin ang lalawigan sa pagdating ng mga bagyo dahil regular nang isinasagawa ang pagpuputol ng mga sanga ng puno upang maiwasan ang mga aksidenteng dulot ng malalakas na hangin.

Samantala, muling nanawagan ang Provincial DRRM Office sa publiko na ipagpaliban muna ang mga hindi kinakailangang biyahe at panatilihing ligtas ang kanilang mga pamilya hanggang sa tuluyang makalayo ang bagyo sa kanilang lugar.