Bahagyang lumakas ang Tropical Depression Luis habang mabagal na kumikilos sa karagatang silangan ng Bicol Region, ayon sa pinakahuling bulletin ng PAGASA.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 295 kilometro silangan ng Daet, Camarines Norte taglay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-kanlurang timog-kanluran nang mabagal.
Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 1 sa Polillo Islands, Camarines Norte, hilagang bahagi ng Camarines Sur kabilang ang Caramoan, Presentacion, Garchitorena, Lagonoy, Tinambac, Siruma, Goa, San Jose, Tigaon at Calabanga, gayundin sa Catanduanes.
Samantala, pinalalakas din ng habagat at ng sirkulasyon ng bagyong Luis ang malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa ilang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga maaapektuhan ngayong araw ang Marinduque, katimugang bahagi ng Mindoro, Romblon, mainland Masbate, Caluya Islands, Siquijor, Southern Leyte, Camiguin at Dinagat Islands.
Samanatala, maaari pang lumakas si Luis at maging isang tropical storm sa loob ng susunod na 24 oras habang nasa silangan ng Bicol Region.
Gayunman, inaasahang hihina rin ito pagsapit ng kalagitnaan ng linggo at posibleng maging isang remnant low bago tuluyang masanib sa sirkulasyon ng Super Typhoon Dolphin.







