--Ads--

Ipinatutupad na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity dahil sa epekto ng habagat, mga nagdaang bagyo at dry spell.

Kabilang sa mga lugar na saklaw ng price freeze ang buong lalawigan ng Pampanga, Cavite, Pangasinan, Dagupan City, Mangaldan sa Pangasinan, at bayan ng Montalban sa Rizal dahil sa pinsalang dulot ng habagat at Bagyong Maymay.

Kasama rin sa mga lugar na may umiiral na price freeze ang Pototan sa Iloilo, buong Zamboanga Sibugay, at mga bayan ng Imelda at Diplahan dahil sa epekto ng Bagyong Inday at habagat.

Samantala, ipinatupad din ang price freeze sa bayan ng Cordon, Isabela dahil sa umiiral na dry spell.

--Ads--

Sa ilalim ng Republic Act No. 7581 o Price Act, saklaw ng price freeze ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas, karne, isda, gulay, de-latang pagkain, gatas, instant noodles, kape, asin, sabon, detergent at kandila.

Layunin ng hakbang na mapanatiling matatag ang presyo ng mga bilihin at maprotektahan ang mga mamimili laban sa posibleng pagsasamantala. Mananatiling epektibo ang price freeze sa loob ng 60 araw mula sa deklarasyon ng state of calamity.