Isang bangkay ng babae na hindi pa nakikilala ang natagpuan sa ilalim ng Buduan Bridge sa Barangay Gappal, Cauayan City ngayong hapon ng Huwebes, Pebrero 5, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Riquino Villanueva, magsasakang nakakita sa bangkay, sinabi niya na habang inaangat niya ang kanyang fish trap sa ilog bandang alas-otso ng umaga, nakita niya ang isang bagay na nakasabit sa mga lumulutang na kawayan at debris na inaakala niyang itinapon lamang na basura.
Hindi niya umano ito pinansin sa pag aakalang isa lamang ito sa mga kalat na itinatapon sa ilog.
Makalipas ang tatlong oras, dakong alas-11 ng umaga, binalikan niya umano ito dahil nagkaroon ng usap-usapan na may itinapon umanong bangkay ng babae sa ilog.
Dito na niya nakumpirma na ito ay bangkay ng isang babae.
Matapos malaman ang impormasyon, agad namang rumesponde ang mga opisyal ng barangay at humingi ng tulong mula sa Cauayan City Police Station upang maiproseso ang crime scene.
Nakipag-ugnayan din sila sa mga barangay sa lungsod at karatig bayan para sa posibleng pagkakakilanlan ng biktima.
Matapos nito, ang bangkay ay dinala sa Cauayan District Hospital para sa masusing forensic examination, kabilang ang posibleng sanhi ng pagkamatay ng biktima.










