--Ads--

Kinuwestiyon ni dating Senador Antonio Trillanes IV si DILG Secretary Jonvic Remulla matapos sabihin ng kalihim na wala pa silang natatanggap na impormasyon kaugnay ng umano’y arrest warrant ng International Criminal Court laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon kay Trillanes, nagdududa siya kung kanino talaga pumapanig si Remulla sa usapin.

Iginiit din ng dating senador na maraming pugante ang nananatiling malaya sa ilalim ng pamumuno ni Remulla.

Sinabi ni Trillanes na noong kumalat ang mga balita noong nakaraang weekend, ipinagmalaki pa umano ni Remulla na may 10,000 pulis na nakabantay at handang maghanap.

--Ads--

Dagdag pa niya, kung mas nabawasan umano ang madalas na pagharap ni Remulla sa press conference at mas nakatuon sa kanyang tungkulin, maaaring may mga nahuli na sanang wanted persons.

Binigyang-diin pa ni Trillanes na tila maraming pugante ang hindi naaaresto dahil umano sa kakulangan ng aksiyon mula sa DILG chief.

Samantala, sinabi naman ni Remulla na nirerespeto niya ang opinyon ni Trillanes hinggil sa isyu.