Tatalakayin ng Senate impeachment court ang bank at tax records nina Vice President Sara Duterte at asawang si Manases Carpio bilang bahagi ng Article II ng impeachment complaint na may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.
Ayon kay impeachment court spokesman Reginald Tongol, natapos na ng prosekusyon ang presentasyon ng ebidensya para sa Article IV na tumutukoy sa umano’y grave threats ni Duterte noong Nobyembre 2024.
Nagsumite na rin ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng apat na kahon ng mga dokumento na naglalaman ng tax records ng mag-asawang Duterte-Carpio, 19 na korporasyon at isang law firm na may kaugnayan sa kanila mula 2007 hanggang 2025.
Tumugon na rin sa subpoena ng korte ang AMLC at ilang bangko, kabilang ang BPI, BDO, PSBank, Metrobank, LandBank at Security Bank, habang nagsumite rin ang AMLC ng mga ulat tungkol sa mga covered at kahina-hinalang transaksyon.
Samantala, iginiit ng kampo ng depensa na hindi awtomatikong maituturing na ebidensya ang mga dokumentong isinumite at maaari nilang kuwestiyunin ang pagtanggap dito sa pamamagitan ng mga legal na remedyo.











