Ipinaliwanag ni Reina Mercedes Vice Mayor Atty. Harold Respicio ang nangyaring mainitang pagtatalo sa isinagawang sesyon ng Sangguniang Bayan kaugnay ng paggamit ng pondong mula sa tobacco excise tax.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Respicio, sinabi niyang isa-isa niyang tinanong ang mga punong barangay kung ano na ang mga nasimulan o natapos na proyekto na pinaglaanan ng pondo mula sa tobacco excise tax noong nakaraang taon.
Kabilang dito ang isang barangay health center sa Barangay Banquero na may nakalaang humigit-kumulang ₱5 milyon.
Ayon kay Atty. Respicio, nang tanungin niya ang Barangay Captain ng Banquero kung naisagawa na ang naturang proyekto, sinabi umano nitong wala pa itong nagagawa.
Dahil dito, sinabi ni Atty. Respicio na malakas niyang hinampas ang mesa bilang pagpapakita ng kanyang pagkadismaya sa mga proyektong may nakalaang pondo ngunit hindi umano naipatupad.
Kasunod nito, lalo pang uminit ang sitwasyon nang sabihin ng Barangay Captain ng Sinippil na naging bastos si Atty. Respicio dahil sa pagtaas ng boses nito. Mariin naman siyang sinagot ni Atty. Respicio at tinawag na “magnanakaw” ang naturang barangay captain.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Respicio na ang kanyang pagtatanong ay bahagi ng pagsusuri kung naipatupad ba ang mga proyektong pinaglaanan ng tobacco excise tax at kung maayos na nagamit ang naturang pondo.
Iginiit din niya na kung may mga proyektong hindi naisagawa noong nakaraang taon, mas mainam umanong ilaan ang bahagi ng pondo para sa direktang financial assistance sa mga tobacco farmer.
Sinabi ni Atty. Respicio na nakatakda ring suriin sa susunod na talakayan ng konseho ang mga line item ng mga proyekto, kasama ang municipal planning, engineering, treasury at accounting offices, upang matukoy kung alin sa mga ito ang aktuwal na naisagawa.
Samantala, patuloy na sinisikap ng Bombo Radyo Cauayan na makuha ang panig ng Barangay Captain ng Sinippil at iba pang opisyal na sangkot sa naturang pagtatalo.
Nakatakdang magkaroon ng panibagong sesyon ang Reina Mercedes Municipal Council sa darating na araw ng Huwebes, Oktubre 8, na kung saan ipagpapatuloy ang naantalang committee hearing.











