Pinaghahandaan na ng lalawigan ng Batanes ang mga natural calamities gaya ng bagyo na maaaring tumama sa bansa sa mga susunod na pagkakataon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Geovanni Cejes, Hepe ng Police Community Affairs Unit ng Batanes, sinabi niya na bagama’t wala pa namang forecasted na anumang bagyo na maaaring tumama sa naturang lalawigan sa mga susunod na araw ay kanila na itong pinaghahandaan upang mapanatili ang kanilang pagiging resillient sa mga sakuna.
Dahil dito ay inihahanda na ng mga Rescue teams ang mga kagamitan na kakailanganin sa pag-rescue upang matiyak na nakahanda sila sa anumang paparating na kalamidad.
Noong nakaraang buwan ay nagsagay na umano sila ng imbentaryo ng mga equipment at sapat naman aniya ang kanilang mga kagamitan.
Mayroon aniya silang best practices sa Batanes na tinatawag na ‘Yaru’ o Bayanihan kung saan nagtutulong-tulong ang mga residente at awtoridad sa pagtatali ng mga bubong bilang paghahanda sa mga paparating na bagyo.
Ngayon pa lamang ay mayroon na silang koordinasyon sa mga concerned agencies gaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga kakailanganing clearing operations kapag nagkataon.