--Ads--

Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa pribadong sektor na sundin ang tamang pagbabayad ng holiday pay sa paggunita ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, na itinuring na regular holiday.

Ayon sa labor advisory ng DOLE, ang Hunyo 12 ay isang regular holiday alinsunod sa Proclamation No. 1006 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa ilalim ng umiiral na patakaran, ang mga empleyadong papasok sa trabaho sa naturang araw ay dapat makatanggap ng 200 porsiyento o doble ng kanilang arawang sahod para sa unang walong oras ng trabaho. Kapag lumampas sa walong oras ang trabaho, may karagdagang 30 porsiyento na overtime pay batay sa kanilang hourly rate.

Samantala, ang mga empleyadong hindi papasok sa trabaho ay may karapatang tumanggap ng 100 porsiyento ng kanilang arawang sahod, basta’t sila ay nakapasok o naka-paid leave sa araw bago ang regular holiday.

--Ads--

Nilinaw rin ng DOLE na maaari pa ring makatanggap ng holiday pay ang empleyado kahit ang araw bago ang holiday ay tumapat sa rest day o non-working day, kung sila ay nakapasok o naka-paid leave sa naunang working day.

Ayon sa ahensya, mahalagang sundin ng mga employer ang labor standards upang matiyak ang tamang benepisyo para sa mga manggagawa.

Hinikayat naman ni Labor Secretary Francis Tolentino ang mga manggagawa na lumapit sa pinakamalapit na DOLE Regional Office para sa mga katanungan o reklamo kaugnay ng holiday pay at iba pang labor concerns.