Nagsasagawa na ng puspusang paghahanda ang Bureau of Fire Protection Region 2 kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Inspector Francis David Barcellano, City Fire Marshal ng Cauayan City Fire Station, sinabi nito na isa na sa kanilang pangunahing pinagkakaabalahan ang kickoff ceremony na gaganapin sa regional office sa Cagayan sa susunod na linggo. Hindi lamang aniya sa lungsod ng Cauayan umiikot ang mga preparasyon kundi sa buong bansa, lalo na sa Lambak ng Cagayan.
Ayon pa kay Barcellano, mas pinalawak ngayong taon ang mga nakalatag na aktibidad tulad ng mga seminar at symposium na dadaluhan ng mga BFP personnel at iba’t ibang imbitadong panauhin. Layunin nitong higit na mapalakas ang kampanya sa publiko hinggil sa tamang pag-iingat at mga hakbang upang makaiwas sa sunog.
Samantala, sa ika-dalawa ng Marso ay nakatakda naman ang kickoff ceremony sa lungsod ng Cauayan kung saan iimbitahan ang mga lokal na opisyal upang makiisa at makapaghatid ng mensahe sa mga mamamayan.
Binigyang-diin din ng City Fire Marshal ang mahalagang partisipasyon ng mga barangay, lalo na sa pagsasagawa ng mga fire drill ngayong Fire Prevention Month, upang mas maging handa ang komunidad sa anumang insidente ng sunog.










