--Ads--

Pinalawig ng Department of Finance (DOF) ang validity ng importer accreditation mula isang taon patungo sa tatlong taon, kasabay ng pagbawas sa kabuuang bayarin upang mapadali ang kalakalan sa bansa.

Sa ilalim ng bagong patakaran na ipinatupad sa pamamagitan ng Bureau of Customs (BOC), magiging tatlong taon na ang bisa ng accreditation ng mga importer sa halip na taunang renewal.

Kasabay nito, ibinaba rin ang bayad mula P2,000 kada taon o kabuuang P6,000 sa loob ng tatlong taon, tungo sa one-time payment na P5,000 para sa parehong panahon.

Sinabi ng Department of Finance na layunin ng hakbang na mabawasan ang red tape at mapabilis ang sistema ng kalakalan, habang sinusuportahan ang paglago ng industriya at pagtugon sa pangangailangan ng mga konsyumer.

--Ads--

Sa kabila ng mas mahabang validity, kinakailangan pa ring magsumite ng Annual Reportorial Compliance (ARC) ang mga importer sa loob ng 30 araw mula sa anibersaryo ng kanilang accreditation upang matiyak ang patuloy na pagsunod sa regulasyon.

Nilinaw rin sa bagong patakaran ang mga kondisyon para sa automatic renewal, kung saan maaaring maging kuwalipikado ang mga importer na may anim na taon ng tuloy-tuloy at maayos na compliance. Saklaw din ng polisiya ang mga Accredited Economic Operator at Super Green Lane importer.