Patuloy ang search and rescue operations sa Nepal at karatig na bahagi ng Tibet, China matapos umakyat sa 162 ang bilang ng mga nasawi sa matinding pagbaha at pagguho ng putik at bato na sumalanta sa Himalayan border region.
Gumagamit na ng mga helicopter ang mga rescuer upang hanapin ang daan-daang nawawalang indibidwal, kabilang ang mahigit 400 dayuhang turista na pinaniniwalaang naapektuhan ng kalamidad.
Ayon sa mga awtoridad sa Nepal, nasa 579 turista ang nawawala, kabilang ang 47 mula sa Estados Unidos, 34 mula sa Australia, 33 mula sa United Kingdom at 24 mula sa Canada.
Nagbabala naman ang pulisya na posibleng tumaas pa ang bilang ng mga nasawi habang nagpapatuloy ang paghahanap at pagrekober ng mga biktima.
Batay sa mga beripikadong video, rumagasa ang napakalaking bugso ng tubig, putik at mga debris na tumangay sa mga bahay, sasakyan, kalsada at iba pang imprastraktura sa mga bayan at lambak malapit sa hangganan ng Nepal at Tibet.
Isa sa mga nakaligtas na si Keshav Prasad Baral, 68-anyos, ang nagsabing mabilis na tumaas ang rumaragasang putik hanggang sa tangayin nito ang kanilang bahay at ang kanyang asawa.
Samantala, nagsimula na ring maghatid ng mga tent, pagkain at iba pang emergency supplies ang mga helicopter sa mga lugar na matinding naapektuhan ng kalamidad.
Ayon sa paunang imbestigasyon, posibleng nagmula ang pagbaha sa pagguho ng glacier na nagdulot ng dambuhalang pagragasa ng tubig at debris sa Lhende River malapit sa Nepal-China border.
Patuloy namang nakikipagtulungan ang iba’t ibang bansa at mga international organization upang tumulong sa rescue at relief operations para sa mga apektadong komunidad.











