CAUAYAN CITY – Patay ang isang binatilyo matapos na saksakin ng sariling pinsan sa Kasibu, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Joey Flores ang Deputy Chief of Police ng Kasibu Police Station sinabi niya na ang krimen ay naganap las diyes ng gabi noong araw ng huwebes sa barangay Tokod, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Aniya batay sa kanilang pagsisiyasat lumalabas na ang menor de edad na suspek at biktima ay nag-iinuman kasama ang pitong iba pa.
Dala ng kalasingan ay nag amok at pinag susuntok umano ng bata ng biktima ang dingding ng abandonadong bahay kung saan sila nag inuman.
Dahil sa pag aamok umano ng biktima ay nagsi-alisan na ang iba nilang mga kaibigan at ang tanging naiwan ay ang suspek na pinsang buo ng biktima.
Sinubukan umanong awatin ng suspek ang biktima sa pagwawala subalit napagbuntunan umano ito ng galit ng biktima.
Sinakal nito ang suspek at dahil hindi na umano hindi ito makahinga ay sinaksak na ng suspek ang biktima gamit ang isang hunting knife.
Agad na tumakas mula sa lugar ang suspek at iniwan ang wala ng buhay na katawan ng pinsan.
Aniya ang Tokod ay liblib na pook kung saan magkakalayo na ang mga kabahayan kaya walang ibang nakasaksi sa pangyayari.
Kinabukasan ay naikwento ng suspek ang pangyayari sa kaniyang mga magulang na silang nag suko sa kaniya sa mga otoridad.
Nanatili ngayon sa pangangalaga ng Kasibu Police Station sa pangunguna ng WCPD ang suspek para sa karampatang disposisyon bago ipasakamay sa DSWD pagkatapos ng inquest proceeding para sa kasong homicide.
Sa ngayon ay gumagawa na ng hakbang ang PNP para sa monitoring ng mga tindahang nagtitinda ng alak sa mga menor de edad.
Paalala ng pulisya na mahigpit nilang ipinagbabawal ang pagbebenta ng alak sa mga menor de edad at sinumang mahuhuli na lalabag dito ay mapapatawan ng kaukulang parusa.