Ibinaba ng World Bank Group (WBG) sa 3.7% ang inaasahang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa 2026, bunsod ng epekto ng digmaan sa Middle East na patuloy na nagpapataas ng presyo ng enerhiya at nagpapabagal sa pandaigdigang ekonomiya.
Ayon sa ulat, mas mababa ito kumpara sa 4.4% na tinatayang paglago sa 2025, ngunit inaasahang babawi sa 5.6% sa 2027 at 2028.
Ipinunto ng WBG na ramdam ang epekto sa mga bansang umaasa sa imported na langis tulad ng Pilipinas, na nagdudulot ng presyon sa halaga ng piso, gastusin sa pangungutang, at kabuuang takbo ng ekonomiya.
Nanatili rin ang panganib ng pagtaas ng inflation dahil sa mahal na langis at pataba, na maaaring makaapekto sa pandaigdigang paglago.
Gayunman, inaasahan ng WBG ang unti-unting pagbangon ng ekonomiya sa mga susunod na taon sa sandaling bumuti ang pandaigdigang kondisyon at lumakas ang pamumuhunan sa imprastruktura.











