Nakamit ng BINI ang isang malaking milestone matapos maging kauna-unahang P-pop group na nagtanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival.
Umakyat sa entablado ang walong miyembro ng grupo sa Mojave Tent kaninang umaga, kung saan ipinakita nila sa international audience ang P-pop sa loob ng 45 minutong performance.
Binuksan nila ang kanilang set sa kantang “Shagidi,” sinundan ng “Zero Pressure,” “Karera,” at “Salamin Salamin,” hanggang sa itanghal ang kanilang bagong kanta na “Blush.” Tinapos nila ang performance sa kanilang hit na “Pantropiko,” na sinabayan ng sigawan at sayawan ng mga manonood.
Kasunod ng kanilang makasaysayang pagtatanghal, agad na nag-trending sa social media ang hashtag na #BINI_CoachellaWk1, kasama ang iba pang kaugnay na paksa sa Pilipinas.









