CAUAYAN CITY – Ginagamit na ang blow torch sa mga babuyan sa Isabela na tinamaan ng African Swine Fever (ASF) para sa pagpuksa sa mikrobyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Angelo Naui, Provincial Veterinary Officer (PVO) ng Isabela na hindi na lamang disinfection ang ginagamit ngayon para tuluyang mapuksa ang mikrobyo sa mga piggery na tinamaan ng ASF sa lalawigan dahil gumagamit na rin sila ng blow torch.
Aniya, mismong si Governor Rodito Albano ang humiram ng mga blow torch na ito.
Sinabi ni Dr. Naui na masyado ng apektado ang populasyon ng mga baboy sa Isabela kaya kailangan itong gawin para mapaaga ang panahon na paghihintay at makapag-alaga muli ng baboy ang mga hog raisers.

Inamin naman ni Dr. Naui na kakaiba ang 2nd wave ng outbreak ng ASF sa lalawigan dahil napakabilis itong kumalat hindi gaya noong una na madali lamang nilang nakontrol.
Ang mahirap pa ay unang naaapektuhan ang mga breeders na baboy.
Nilinaw ni Dr. Naui na pareho pa rin ang strain ng ASF na tumama subalit sa Isabela mas malakas ang mikrobyo ngayon.












