Muling pinatunayan ng Bombo Radyo Philippines ang kahusayan nito sa larangan ng pamamahayag matapos magwagi sa 29th Golden Dove Awards ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP.
Kabilang sa mga nagwagi ang Star FM Bacolod bilang Best FM Radio Station – Provincial, Bombo Radyo Roxas para sa Best Radio Station Promotional Material, at Bombo Radyo Koronadal bilang Best Sports Program.
Ang mga parangal ay bahagi ng official announcement of winners ng 29th Golden Dove Awards, ang taunang pagkilala ng KBP sa mga natatanging programa, personalidad, istasyon at production work sa larangan ng broadcasting.
Samantala, walo pang finalist entries mula sa Bombo Radyo Philippines ang kumatawan sa network sa iba’t ibang kategorya.
Kabilang dito ang Bombo Radyo Iloilo para sa Best AM Radio Station – Provincial; Star FM Manila para sa Best FM Radio Station – Metro Manila; Bombo Network News para sa Best Newscast – Metro Manila; Bombo Radyo Cagayan de Oro at Bombo Radyo Iloilo para sa Best Newscast – Provincial; Bombo Radyo Cebu para sa Best Special Program; at Star FM Baguio para sa Best Public Service Announcement at Best Radio Station Promotional Material.
Dagdag na pagkilala ang mga parangal na ito sa patuloy na pagsisikap ng Bombo Radyo Philippines na maghatid ng de-kalidad na pagbabalita, makabuluhang programa at serbisyong pampubliko sa mga Pilipino sa buong bansa.
Higit na makabuluhan ang pagkilalang ito ngayong ipinagdiriwang ng Bombo Radyo Philippines ang ika-60 taon nito sa larangan ng media excellence, kasabay ng anim na dekadang paghahatid ng balita, impormasyon at serbisyo sa publiko.
Sa ilalim ng pamumuno ni Bombo Radyo Philippines Chairman Dr. Rogelio M. Florete at President and CEO Margaret Ruth C. Florete, patuloy na itinataguyod ng network ang kahusayan, balanse at responsableng pamamahayag.
Iniaalay ng Bombo Radyo Philippines ang mga parangal na ito sa mga tagapakinig at tagasubaybay na patuloy na nagtitiwala at sumusuporta sa network.
Bombo Radyo Philippines, The Number 1 Radio Network in the Country. Your Trusted Source of News and Information. Basta Radyo… Bombo!










