Maglalaan ng humigit-kumulang ₱400,000 ang Barangay Batal, Santiago City para sa pagbili at paglalagay ng solar streetlights bilang tugon sa pagtaas ng kanilang electric bill matapos malagyan ng streetlights ang lahat ng purok sa barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Noverick Ocampo, accounting clerk ng Barangay Batal, sinabi nitong ang solar streetlights ang magiging alternatibong ilaw upang mabawasan ang konsumo sa kuryente habang pinapanatili ang sapat na liwanag sa mga kalsada, lalo na sa mga pangunahing daan.
Ayon kay Ocampo, uunahin ang mga main roads kung saan ikakabit at isisingit ang solar lights sa mga dating streetlights upang matiyak na may ilaw pa rin sa kakalsadahan sakaling magkaroon ng power interruption.
Dagdag pa niya, inaasahang makatutulong ang proyektong ito hindi lamang sa pagtitipid sa gastusin ng barangay kundi pati na rin sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga motorista at pedestrian sa lugar.





