--Ads--

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) ang agarang pagtugon sa pagtaas ng food inflation na naitala sa 6.1%.

Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumilis ang food inflation noong Abril, na pinalalala ng pagtaas ng presyo ng bigas, mais, isda, at gulay.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., bagama’t sapat ang suplay ng pagkain sa bansa, ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang pangunahing dahilan ng pagmahal ng transportasyon at logistics, na siya namang nakaapekto sa presyo ng mga bilihin.

Dahil dito, muling ipinatupad ng DA ang food lanes kung saan tinanggal ang toll fees para sa mga agricultural truck at binawasan din ang port charges upang mapababa ang gastos sa distribusyon ng pagkain.

--Ads--

Pinalalakas din ng kagawaran ang market monitoring upang maiwasan ang labis na patong sa presyo ng mga produkto. Kasabay nito, isinusulong ang mga programang tulad ng Benteng Bigas at Rice-for-All upang masigurong may abot-kayang bigas para sa mga mamimili.

Nakahanda rin ang pamahalaan na magpatupad ng price cap na ₱50 kada kilo sa imported rice sakaling magpatuloy ang pagtaas ng presyo.

Ayon kay Tiu Laurel, ginagawa ng DA ang lahat ng hakbang upang mapababa at mapabagal ang inflation sa pagkain, habang patuloy na tinutulungan ang mga magsasaka na pataasin ang produksiyon sa palay, mais, high-value crops, at iba pang produktong agrikultural.