--Ads--

Hindi na ilalatag ng House prosecution panel sa impeachment court ang Article 3 o bribery allegations laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Lanao del Sur Representative at prosecution spokesperson Zia Alonto Adiong, pormalisasyon na lamang ang hinihintay bago tuluyang alisin sa mga ilalatag na kaso ng prosecution ang naturang article.

Sinabi ni Adiong na napagdesisyunan na ng panel na hindi na ito ita-tackle, habang pino-finalize na lamang ang kanilang diskusyon kaugnay dito.

Ang Article 3 ay may kaugnayan sa alegasyon ng panunuhol umano ni Duterte sa ilang opisyal ng Department of Education noong siya ang kalihim ng ahensya mula 2022 hanggang 2024.

--Ads--

Kabilang sa mga nabanggit sa imbestigasyon ng House committee on good government and public accountability si dating DepEd Undersecretary Gloria Mercado, na umano’y regular na nakatatanggap ng sobre na may lamang pera.

Ayon kay Adiong, pagtutuunan na lamang ng prosecution ang tatlong natitirang articles na kinabibilangan ng grave threats, confidential funds, at unexplained wealth at paglabag sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.

Samantala, magpapatuloy bukas ang paglilitis sa unexplained wealth article, kung saan inaasahang haharap bilang testigo si Anti-Money Laundering Council Executive Director Atty. Ronel Buenaventura.