Nakataas na sa Blue Alert status ang Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) habang pinaghahandaan ang posibleng epekto ng Tropical Storm Kiyapo, lalo na sa mga baybaying lugar ng lalawigan kasunod ng inaasahang pagtahak nito sa Babuyan Channel.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cagayan PDRRM Officer Rueli Rapsing ng Cagayan, sinabi nitong kasunod ito ng direktiba ng Office of Civil Defense (OCD) habang isinasagawa ang pre-disaster risk assessment upang matukoy kung kinakailangan nang itaas sa Red Alert ang alert status.
Ayon kay Rapsing, bagama’t nagbago ang forecast track ng bagyo at inaasahang tatahak na lamang sa Babuyan Channel sa halip na mag-landfall sa mainland, inatasan na ang mga shoreline communities, partikular sa hilagang bahagi ng Cagayan, na ipatupad ang parehong antas ng paghahanda na isinagawa noong pananalasa ng Super Typhoon Egay.
Sinabi rin nitong awtomatiko nang ipinatutupad ang no sailing policy sa buong lalawigan dahil nasa ilalim na ito ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 kaya ipinagbabawal na ang paglalayag ng maliliit na sasakyang pandagat.
Aniya, nagsimula na rin ang paghahanda sa mga island municipality gaya ng Calayan kung saan iniaakyat na sa ligtas na lugar ang mga bangka at isinasagawa ang iba pang kinakailangang paghahanda ng mga lokal na opisyal.
Bagama’t wala pang ipinatutupad na preemptive evacuation sa kasalukuyan, sinabi ni Rapsing na nakadepende ito sa magiging resulta ng patuloy na assessment. Kapag itinaas sa Red Alert ang alert status, maaari nang ipatupad ng mga lokal na pamahalaan ang forced evacuation sa mga lugar na mataas ang panganib sa storm surge, pagbaha at landslide.
Dagdag pa niya, mas inaasahang mararamdaman sa malaking bahagi ng Cagayan ang epekto ng habagat na pinalalakas ng bagyo na maaaring magdulot ng malalakas na pag-ulan, flash flood at landslide.
Tiniyak din ni Rapsing na nakahanda ang mga logistics ng pamahalaang panlalawigan kung kinakailangan ang paglikas ng mga residente.
Anya, may nakahandang humigit-kumulang 10,000 food packs sa dalawang warehouse ng lalawigan bilang bahagi ng patuloy na stockpiling ng relief supplies.
Sa ngayon ay wala pa namang naitatalang insidente kaugnay ng bagyo sa ilalim ng Bravo Emergency Response Protocol.
Samantala, nanawagan si Rapsing sa
mga residente, lalo na sa mga nakatira sa mga baybaying barangay, na huwag maging kampante at pairalin ang mataas na antas ng paghahanda kahit severe tropical storm lamang ang kasalukuyang lakas ng Bagyong Kiyapo.











