Nahulog sa bangin ang isang Cargo bus sa Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Daryl Marquez, Hepe ng Diadi Police Station, sinabi nito na habang binabagtas ng Bus ang national highway ay nawalan umano ito ng preno dahilan upang mabangga nito ang sinusundang wing van na may kargang palay.
Tinangka pa umano ng tsuper na ilihis ang bus sa outerlane subalit nasagi pa rin nito ang naturang sasakyan dahilan upang mapunta ito sa kabilang linya ng kalsada at nakabanggaan ang paparating na commuter van hanggang sa mahulog ito sa bangin na may 70 metrong lalim.
Nagtamo naman ng minor injuries sa katawan ang tsuper ng Cargo Bus. Ayon kay Marquez, nakatulong umano ang mga punongkahoy sa bangin upang hindi na magtamo pa ng mas matinding pinsala ang tsuper.
Nasugatan din ang tsuper ng commuter van na agad namang dinala sa pagamutan para sa kaukulang atensyong medikal.
Galing Lungsod ng Santiago ang naturang Cargo Bus at patungo sana sa Dagupan City, Pangasinan.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na may nahulog na sasakyan sa naturang bangin dahil batay umano sa pahayag ng Punong barangay ng Nagsabaran, mayroon na ring nahulog na mini-bus doon.
Dahil itinuturing na accident-prone area ang lugar, nakipag-ugnayan na ang Kapulisan sa Department of Public Works and Highways para sa paglalagay ng concrete barrier, rumble strips, at karagdagang signages upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.











