--Ads--

Inaasahang muling dodoblehin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang cash incentives ng mga national athlete na mananalo ng medalya sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa Setyembre.

Ayon kay Philippine Sports Commission Chairman Patrick “Pato” Gregorio, awtomatiko itong gagawin ng Pangulo gaya ng ginawa nito sa mga medalist sa 2022 Asian Games sa Hangzhou, China.

Sa ilalim ng batas, makatatanggap ang individual Asian Games gold medalists ng ₱2 milyon, ₱1 milyon para sa silver at ₱400,000 para sa bronze. Dinoble ni Marcos ang mga ito noong Hangzhou Asiad.

Sa nasabing kompetisyon, nakakuha ang Pilipinas ng apat na gold, dalawang silver at 12 bronze medals.

--Ads--

Target naman ng Team Philippines na malampasan ang apat na gintong medalya, ayon kay Gregorio.

Aabot sa 443 national athletes ang isasabak ng bansa sa 38 sports events sa Aichi-Nagoya, kabilang sina Carlos Yulo, Alex Eala, Elreen Ando, EJ Obiena, Gilas Pilipinas at mga national boxer.