--Ads--

Mahigit 100 jeepney driver ang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa isinagawang payout ngayong araw, Mayo 18, dakong alas-11 ng umaga sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Arnold Yabut, isang jeepney driver, malaking tulong umano sa kanilang hanapbuhay ang natanggap na ₱5,000 lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at gastusin sa pasada.

Aniya, malaki ang kanilang pasasalamat sa naturang ayuda dahil malaking kabawasan ito sa kanilang mga alalahanin at makatutulong sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Samantala, marami ang nagreklamo hinggil umano sa kakulangan ng malinaw na guidelines mula sa DSWD bago isinagawa ang payout.

--Ads--

Dahil dito, nagkaroon umano ng kalituhan sa ilang benepisyaryo kung sila ba ay kabilang sa makatatanggap ng ayuda o kung anu-anong requirements ang kinakailangan.

May ilan ding nagpahayag ng pagkadismaya matapos umano silang maghintay nang matagal at mapuyat ngunit hindi rin agad nabigyan ng malinaw na impormasyon kaugnay sa proseso ng payout.

Sa kabila nito, umaasa pa rin ang maraming jeepney driver na magiging mas maayos at organisado pa ang susunod na distribusyon ng ayuda upang mas marami pang tsuper ang makinabang sa programa ng pamahalaan.