Matapos ang paglipat nina top scorers Vanie Gandler at Erika Santos, sina libero Dawn Catindig at middle blocker Jewel Encarnacion naman ang pinakabagong additions ng Choco Mucho para sa nalalapit na Premier Volleyball League (PVL) 2026 season.
Pormal na inanunsyo kahapon ng Choco Mucho Flying Titans ang pagkuha kina Catindig at Encarnacion sa pamamagitan ng kanilang social media post.
Inaasahang magiging malaking tulong sina Catindig at Encarnacion sa kampanya ng Flying Titans kasama ang mga pangunahing bituin ng koponan na sina Eya Laure at Sisi Rondina.
Ayon kay Encarnacion, masaya siyang mapabilang sa Choco Mucho dahil sa matatag na line-up, mahusay na coaching staff, at buong suportang ibinibigay ng pamunuan ng koponan.
Samantala, nauna nang lumipat sina Gandler at Santos sa Capital1 Solar Energy upang makasama si 2025 PVL No. 1 overall pick Bella Belen.
Nagkaroon din ng pagbabago sa ibang koponan matapos mapunta sina setter Gel Cayuna at middle blocker Jackie Acuna sa Nxled, kung saan makakatuwang nila sina Fil-Am standouts Brooke Van Sickle at MJ Phillips kasama si veteran hitter Myla Pablo.
Bukod dito, magsusuot naman ng Creamline jersey si Erin Pangilinan at makakasama ang mga beteranang sina Alyssa Valdez, Jema Galanza, at Bernadeth Pons sa Cool Smashers.








